Doon at Dito


Ang Mukha sa Likod ng Isang Txt Msg
Oktubre 30, 2006, 7:05 hapon
Isinalansan sa: Walang kategoriya

“Ms. tagal na me gus2 u”

Ito ang unang text message na natanggap ko mula sa hindi kilalang numero. Sinubukan ko na ring halughugin ang phonebook feature ng cellphone ko para masiguradong hindi ko nga siya kilala. Pagtapos ko itong maisa-isa, nakumpirma ko nang estranghero nga ang may-ari ng numerong rumerehistro. Pero naisip ko rin na baka kaibigan ko ito, o dating kasama na nagbago lang ng numero.

Mag aalas otso kanina noong narinig ko ang malalim na sigaw ng magtataho. Pumanaog muna ako upang ibigay sa kaniya ang plastik na baso. Hindi ko na kailangan pang sabihin sa kaniya ang order ko. Paulit ulit na tahong may kaunting arnibal at madaming sago. Hindi ko na rin kailangan ihanda ang pambayad. Dahil ang tahong binibenta niya ay nauutang. Hindi ko alam kung lahat ay nakauutang sa kaniya o malamang ay ako lang. Tuwing biyernes lang ako nagbabayad sa kaniya. Dinadagdagan ko na rin ng konting tip.

Tinanong ko si Danny (ang pangalan ng magtataho) kung sya ba ang nagtetext sa akin. Umoo siya. Nagtetext lang daw siya upang itanong kung meron akong alam na paupahan na malapit sa amin. Tinanong ko kung kaniya rin yung “Ms. tagal na me gus2 u”. Napasagot siyang “patay tayo dyan, may misis na ako Darling!”.

Sinagot ko na lang sya ng pabirong “Ito naman, napakaantipatiko, tinatanong ko lang naman”. Tumawa lang sya at nagpaalam na rin. Dahan dahan niyang inangat ang kahoy na kinakabitan ng mga lata ng taho. Bumaling sya ng tanong sa akin at nagtanong kung ano ba ang sagot ko sa tanong niya?

“Diba may misis ka na! bakit nagtatanong tanong ka pa dyan”

Napailing syang muli at nagsabi ng “yung paupahan ngang bahay, gusto kasi naming lumipat” ….

Napahiya ako at sinabi kong magtatanong tanong na lang ako.

Hindi ko pa rin alam kung sino ang nagpadala sa akin ng txt message nang isa pang mensahe ang aking natanggap noong katanghalian. Hindi ko alam kung bakit para akong kinikilig na hindi maintindihan. Iniisip ko na meron akong lihim na taga-hanga. Noong napansin ni Aling Chona na panay panay ang tingin ko sa cellphone ko, nagbiro sya na baka daw magka stiff neck ako ng katitingin sa cellphone.

Bago ko pa man mabayaran ang tinanghalian ko, nagalboroto na ang cellphone kong nakavibrate mode. Tila ito bulateng nagkikisig matapos na malagyan ng asin. Hinablot ko ito mula sa bag ko at napasimangot na sa ibang tao galing ang mensahe. Kay kuya Ramon na nangungutang ng pera para sa anak daw niyang may sakit. Lagi na lang may sakit ang batang iyon. Noong nakaraang linggo, may tipdas; ngayon naman ay lagnat. Kung marunong lang sana akong tumanggi sa pakiusap ng kamag-anak. Hay …

Mayamaya ay narinig ko na naman ang isang pamilyar na ringtone. Hindi ito galing sa aking cellphone, ngunit dahil sa umaasa ako ng isa pang mensahe galing sa hindi kilalang tagapagpadala.

Biniro ako ni Aling Chona:

“Tamang hinala ka na naman na sa iyong cellphone ang nagring …. akin yon!!! “

Alam ni Aling Chona na mabilis akong mapikon, kaya huminto na rin siya sa pang-aalaska.

Nagtambay ako sa Festival Mall sa Alabang. Nag-iisip ng magagawa. Kahit nag iisip tuloy tuloy pa rin ang daliri ko sa pagkakalikot ng cellphone ko. Iniisip ko kung sasagutin ko ba ang message na ito. Sabi kasi sa akin ng pinsan ko, iwasan ko daw magpaloko sa mga nagtri trip sa cellphone. Isa pa, baka aksaya lang ng load.

Ginabi na akong umuwi, alas 7 na rin. At least, nakauwi ako ngayon. Dati kasi hindi na ako nauwi.

Pag-uwi ko kanina. Hindi ko na rin mapigil ang pagiging curious ko, sinagot ko na rin ang txt message.

“Sino 2? Kila2 b kta?”

Wala pang sampung segundo nagring ang bagong cellphone na dala ni Intoy. Papauwi galing sa pagdiskarte.

Hindi ko alam kung coincidence lang or baka nag-aasume lang ako.

Heto ako ngayon sa Internet Cafe … tambay na naman.


Tambay pero iniisip pa rin ang mukha sa likod ng isang txt msg.

Si Intoy nga kaya …



Ang Aking Pangalan (Unang Kumpisal)
Oktubre 19, 2006, 12:15 hapon
Isinalansan sa: Araw Araw

Pudpod na ang lipistik,
ang swelas ng sapatos — ang kahirapan kailangang mairaos.Pagod na ang isip
mula sa eskwela
at ngayon kailangan pa — ang kahirapan kailangang mairaos.

Puspos na ng kababuyan,
di man kagustuhan
ang katawang sawa na — sa kaiharapang pilit na idinadaos.

Katumbas man nito
pagkapudpod ng kahihiyan
habang si Edgar —- sa katawan niya nagpaparaos.

Luhaan siyang umuuwi.
Bukas ngingiti
Pagkat isang araw na naman — ang kaniyang nairaos.

Minsan pagod na akong nakauuwi sa akin tahanan.

Ang totoo, lagi akong pagod; hindi minsan. Wala akong tahanan. Hindi na halos ako umuuwi, ang ikatlo.

Pagod ako sa kaiisip ng mga bagay na nangyari, at ang mangyayari. Ngunit hindi sa nangyayari. Alam ko kung bakit ko ginagawa ang mga bagay na ginagawa ko ngayon. Hindi man ganon katiyak, mayroon akong ideya kung bakit kailangan ko itong gawin. Hindi ko man kayang panindigan, pipilitin ko. At kung sa huli, mahirapan akong ito ay iwanan, alam kong matutunan ko ring humakbang papalayo. Hindi man biglaan, dahan dahan.

Sa kasalukuyan, tinitipa ko ang titik ng liham na ito sa isang internet cafe sa Alabang. Isang sakay at trapik ang layo mula sa San Pedro, ang kinalulugaran ng aming bahay, bahay na di kailan man naging tahanan para sa akin. Lansangan at tambayan ang aking tahanan. Ang mga pulubi, mga ibang kalalakihan at kababaihan ang aking mga kapamilya. Sila ang mga taong bagamat walang tirahan ay may tahanan; bagamat may katawan wala namang pangalan at bagamat may mukha, wala silang larawan.

Sila ang aking kasamahan na hindi tuwirang masasabing kaibigan. Nagkikita kami kung may pagkakataon upang magkumustahan ng mga bagay bagay na wala naman kami talagang pakialam. Ang mga lalake, minsan nagbibiro sa akin. “Pwede ba makaisa”. Yan ang lagi kong naririnig sa kanila. Kung minsan naman ay “Paisa naman, pwede?”. Mga pariralang pagbalikbaliktarin man ang pagkakaayos ay humihingi lang ng pagkakataon. Ang mga babae naman na laging kong nakikita sa gabi ay ang mga tila suman na nagbabandera ng kanilang laman sa mga parokyano. Samantalang ang mga pulubi, dala dala ang lata nilang gawa sa lata ng Nido (sila yung garapalan na kung mamalimos); ang iba naman lata lang ng kondensadang gatas ng Alaska.

Sila ang mga karakter na masasabi kong hindi man kaibigan, ay mga kapamilya. Wala silang mga pangalan. Kung tatanungin ako, minsan sagot ko ay “Joan” minsan “Jane” minsan Jasmin, at kung nagpapabata lumilingon rin kapag tinawag na Daisy. Kagaya ko silang walang pangalan. Gayumpaman, wala man kaming mga pangalan, meron kaming numerong maaring tawagan. Maging si Intoy ay ganon din. Hindi ko nga rin alam kung Intoy nga ang tunay nyang pangalan. Minsan kasi tinatawag syang “Intay” dahil mahilig daw syang maghintay ng bading o silahistang sakay ng mga kotse o taksi. Minsan naman tinatawag siyang “John” kasi dyan-dyan lang sa tabi-tabi pumupwesto.

Hindi ko alam kung bakit ako laging napapasama sa kanila. Mas akma yatang sabihin na hindi ko alam kung bakit ako napilitang mapasama sa kanila.

At ito ang layunin ko sa pagsulat. Ang makilala ang tunay na dahilan ng paglakad ng araw at pakikisayaw ng aking katawan at pagod na isipan sa takbo ng aking buhay.

Magagalak akong masamahan ng inyong mga pang-unawa.

Wag na po sanang itanong ang aking pangalan dahil sa bagamat isang beses lamang akong sa mundong ito ay nailuwal, makailang ulit naman akong nabinyagan. Nang ibat ibang pari, iba-iba ang ninong, at minsan may ninang.

Ito ang aking kumpisal … Nais mo bang makinig?